Linggo, Pebrero 14, 2016

SABADO'T LINGGO (Araw ng mga Puso)


    Malamig na hangin ang dumapo sa aking katawan.Umaga na ngunit pinagpatuloy kong mahiga.Pagkalipas ng ilang minuto,ako'y napabangon.Naalala kong kami nga pala sa sayaw ay may ensayo.Isa pa naman ako sa mga lider at hindi lang ang pangkat namin ang mag-eensayo,pati na rin ang tatlo pang pangkat na hawak ng aming guro.Ala Una ng hapon ang usapan ngunit mag aalas dos na nang ako'y makarating.Kaya't di ko inaasahan ang dami ng mag- eensayo.At sa dami ng mga iyon,wala pa ang isang pangkat.Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil sa di inaasahang pangyayari.Buti na lamang ay nagtuturo na ang iba pang lider kong kasama.Hindi rin naman kami nahirapan sa pagtuturo dahil halos kabisado na rin naman ng lahat.Ang kailangan na lamang siguro ay ang pag-eensayo ng sabay-sabay.Pagkatapos mag-ensayo nagkaroon ako at ang aking mga kagrupo sa asignaturang Ingles.Ang pagpupulong ay nauwi sa mahabang usapan,kung saan pinag-usapan namin ang maraming bagay-bagay.Nais na yatang magtago ng araw,kaya't napagpasiyahan naming umuwi na.

     Linggo't araw ng mga Puso.Pagkabukas ng aking Facebook bumungad kaagad sakin ang mga pagbati ng Maligayang araw ng mga Puso.Ang iba nga ay ginagawa pa itong katatawanan.Sinasabi nilang ngayon ay Araw ng Undas,marahil sila yung mga taong sawi sa Pag-ibig.Araw nga ng mga Puso ngunit hindi ko nalilimutan ang dapat kong gawin.Ang paggawa ko ng miniature sa T.L.E at ang pagpapaskil sa aking blog.Ngunit bago ko pa man itong gawin ay may ginawa muna akong kahanga-hanga.Tirik ang araw sa hapong iyon,pero hindi ako napigilang tumakbo.Mula sa aming bahay patungo sa Mambugan Paint Center.Pumunta ako doon para bumili ng pintura na kakailanganin namin bukas.Tagaktak ang pawis ko ng makapunta doon,ngunit sarado ang tindahan ng madadtan ko.Nagpakapagod ako para lang sa kanya,tinakbo ang kilome-kilometrong layo ngunit hindi ko na siya naabutan dahil wala na siya.Sa madaling sabi pinaasa niya lang ako.Kaya't umuwi na lamang ako at pinagpatuloy ang aking ginawa.Nang matapos na dito,ako'y nagpahinga na.

Linggo, Pebrero 7, 2016

SABADO'T LINGGO (Fun Run)






   Gabi na nang magising ako nitong Biyernes.Napasarap ata ang tulog ko kaninang tanghali pagkauwi galing paaralan.Kaya't nagpuyat na lamang ako at hinintay na pumatak ang oras ng alas tres ng madaling araw.Ngayong Sabado ay gaganapin ang Million Volunteer run 3 ng Red Cross,at isa ako sa mga kalahok doon.Alas kwatro na nang iniwan ko ang aming bahay upang tumungo na sa Brgy. Hall kung saan naghihintay ang iba pang kasama.Nang nakumpleto na ang lahat ay pumunta na kami sa Ynares Center,at doon nakita pa namin ang iba pang kalahok sa iba't-ibang lugar sa Antipolo.Bukang liwayway na nang mag-umpisa ang pagtakbo ng lahat.Hindi namin inisip kung gaano kalayo ang aming tatakbuhin,ang inisip namin matatapos namin iyon at makarating kung saan kami nagsimulang tumakbo.Takbo,lakad,pahinga,takbo,lakad,pahinga,paulit-ulit naming ginawa ito upang makarating lamang sa aming paroroonan.Gaya nga ng aking inaasahan,natapos namin iyon kahit pagod na pagod at hirap huminga.Taliwas ito sa una kong sali ng fun run.Mas malayo ang tinakbo namin dito at higit na masaya dahil mas marami ang kasama.Kahit pagod na pagod,nakuha pa rin naming ngumiti dahil natapos namin iyong lahat.Sa huli umuwi kami ng pagod at pawisan ngunit may ngiti at bagong karanasan kaming maiuuwi sa aming tahanan. 

     Malamig na umaga ang bumati sa akin kinabukasan.Maaga akong nagising na hindi ko naman inaasahan.Salamat dahil hindi gaanong sumakit ang aking katawan dala ng kahapong pagtakbo.Kumain at nanuod ng sandali lang at pumunta sa Covered Court upang maglaro ng basketball na ngayon ko lang ulit malalaro.Maggagabi na nang napagpasyahan kong umuwi na at magpaskil sa aking blog.Magiging mahimbing na naman ang aking tulog sapagkat walang pasok bukas.

Characters Parade (Noli Me Tangere)



     Nakaka enganyong gayahin ang mga iniidolo nating tao.Sa kanilang mga pananamit,pagkilos,pananalita,at sa iba pang mga bagay na kaya nilang gawin.Sa isinagawa naming Characters Parade,binigyan namin ng buhay ang mga tauhan sa Noli Me Tangere.Hindi biro ang aming ginawa,sapagkat may iba't-ibang klaseng pagganap ang mga tauhan sa nasabing nobela.Ako man ay nahirapan sa pagganap bilang Crisostomo Ibarra.Kinailangan kong gayahin ang kanyang pananalita,pagkilos,maging ang kanyang mga katangian.Sa aking pagpapakila bilang Crisostomo Ibarra,inilagay ko ang kanyang sitwasyon sa aking sarili.Inisip ko rin na kung siya ang nasa harapan at hindi ako,paano niya ipapakilala ang kanyang sarili? Sa aking palagay isinagawa namin ang Characters Parade na ito hindi lamang upang gayahin ang mga tauhan,upang malaman din ang kanilang mga dinanas,ganap,at pagkatao sa Noli Me Tangere.

Linggo, Enero 31, 2016

SABADO"T LINGGO




      Nasilaw ang mga mata ko sa araw sa kalagitnaan ng aking tulog.Ayaw ko pang gumising ngunit kahit na nakapikit ay alam kong umaga na.Pagkabangon ko ay saktong-saktong tinawag ako ng aking kaklase mula sa labas ng aming bahay.Agad namang bumangon ang aking katawan mula sa pagkakahiga upang maligo't maghilamos.Lumabas ako ng aming tahanan ng hindi man lang nilalagyan ng laman ang aking tiyan.Ngunit binalewala ko iyon dahil mahigit dalawang oras na kaming huli at malayo pa ang aming pupuntahan.Ngayong araw kasi ay gagawa kami ng kiosk,gagamitin namin ito sa pagbebenta na proyekto namin sa asignaturang E.S.P.Mula sa amin kasama ko ang isa kong kaklase,tinungo namin ang bahay ng isa pa naming kaklase sa Agnes.Pagkadating namin doon,nadatnan naming nag-uumpisa na sila sa paggawa at hinihintay na lamang ang aming kooperasyon at pagtulong.Walang anu-ano ay agad naming binaklas ang mga kahoy at muli itong isiniayos ayon sa aming gusto.Tirik na tirik na ang araw kaya naman napagpasiyahan naming magpahinga at magtanghalian muna.Nang agad kaming matapos ay ipinagpatuloy na namin ang paggawa ng kiosk.Kung kailan malapit na kaming matapos tsaka kami nahirapan.Mabuti na lamang at tumulong ang nanay ng aking kaklase at ang isa pang kapitbahay nilang babae.Habang pinapanuod ko sila,sinasabi ko sa aking sarili na tunay ngang malalakas din ang mga babae tulad naming mga lalake,kaya't marapat lamang namin silang galangin at huwag maliitin ang kanilang mga kakayanan.Malakas sila,at matagal na nilang napatunayan iyon.Hindi kami naantala sa pagod at init na natatanggap ng aming katawan.Pinilit naming maging malakas para lang maging matagumpay ang gawaing ito.Natapos namin ang paggawa ng kiosk dahil sa pagtutulungan,kooperasyon,at pagkakaisa ng aming grupo.At buong puso naming ipagmamalaki kung ano ang aming nagawa.

  

     Linggo na ng umaga,at agad akong napangiti ng naisip kong wala namang gaanong takdang-aralin.Ngayon,ang aking oras ay maaari kong gugulin sa anumang bagay na aking gugustuhin.At tulad ng nakagawian,iginugol ko ang buong orad kong maghapon sa panunuod.Kung hindi ko pa siguri naalala na kailagan kong magpaskil sa aking blog ay hindi pa ako titigil.Pagkatapos kong gawin ito ay naisip ko na ring matulog ng maaga.Upang hindi antukin at mahuli sa pagpasok bukas.

Linggo, Enero 24, 2016

SABADO'T LINGGO (Nakaka-miss ang pagiging Bata)



    Kinapa-kapa ko ang masasakit na bahagi ng aking katawan,pagkagising ko nitong Sabado.Dahil ito sa maghapong paglalaro naming magkakaklase ng iba't-ibang larong Pinoy.Naalala ko ang aking pagkabata nang araw na iyon,halos araw-araw ko itong ginagawa noon kahit na pinapagalitan ako ng aking magulang.Masarap talagang balikan ang mga karanasan noong bata pa tayo.Ngunit kailangan nating tanggapin na ang pagiging bata ay hindi pang habang buhay,ito'y bahagi lamang ng ating buhay na isang beses lang natin maaaring maranasan.Sa palagay ko, mas lalo pang sasakit ang aking katawan dahil may ensayo kami ngayon sa aming field demonstration.Pagbangon ko ay inihanda ko na ang aking susuotin papuntang paaralan.Nang makumpleto na ang lahat,nag-umisa na kaming mag-ensayo.Noong una ay nahihirapan kami sa pagsabay,ngunit nagpatuloy pa rin kami at nakuha din naman namin iyon.Nakaramdam na rin kami ng pagod kaya't napagpasyahan naming umuwi at marami pang mga takdang-aralin ang kailangan naming tapusin.

 

    Pagsapit ng Linggo,naramdaman ko na ang mas dobleng sakit ng aking katawan kumpara kahapon.Kahit na ganoon,pinilit ko pa ring bumangon dahil sa mga gawaing kailangan ko pang tapusin,ito ang kahapon ko pang ginagawang mga takdang-aralin.Ginugol ko dito ang oras na sana'y igugugol ko sa panonood.Napansin kong nagkukulay-baga na ang langit dahil sa papalubog na ang araw.Kaya naman napagpasyahan kong magpaskil na sa aking blog upang matapos na ang lahat ng aking dapat gawin ngayong araw.At makapagpahinga na ng tuluyan para salubungin ang bagong bukas.

Linggo, Enero 17, 2016

SABADO'T LINGGO




        Bukang liwayway pa lamang ay umalis na ako sa aming tahanan upang gawin aking tungkulin bilang opisyal na Math Club.Ngayong Sabado kasi madaming aktibidad ang nakahain at kami ang nanguna sa pag-aasikaso nito kasama ang mga opisyal ng SSG.Ang unang paligsahan ay ang Tribung Sipnayan.Dati rin akong kalahok nito ngunit ngayon ako ay initalaga bilang taga-puntos ng narka sa bawat koponan.Noong una ay tahimik at mahiyain pa ang mga kalahok ngunit ng mag-umpisa na ang paligsahan animo'y matagal ng magkakakilala ang lahat dahil sa pagkasaya ng bawat isa.Sa bawat istasyon na mapuntahan nila,kitang-kita ko ang pagkakaisa,pagtutulungan,at pagsusuporta ng bawat isa sa kanilang mga kagrupo upang manalo ang kanilang koponan.Sa huli,kahit na isa lang ang nanalong koponan,wagi pa rin ang lahat dahil sa kasiyahan at pagkatuto nila sa Tribung Sipnayan.Pagkatapos naman nito'y,nag-ensayo naman ako at ang aking mga kaklase para sa gaganaping paligsahan ng Math Jingle.Nag-ensayo kami ng husto upang manalo kami dito dahil ayaw naming sayangin ang ibinibigay na suporta ng aming kaklase at ang aming guro sa matematika.Nang mag-umpisa na ang palatuntunan ay halos hindi kami makagalaw at makapagsalita sa sobrang kaba na akala mo'y unang beses pa lang namin gagawin.Bago pa kami magtanghal,inisip na naming magagawa namin ito ng tama basta't magtitiwala lang kami sa aming kakayahan.Nang mag-umpisa na kaming magtanghal,dinig na dinig ko ang pagsisigaw ng mga tao at mga ngiti sa kanilang mukha sa sobrang pagkatuwa.At dahil doon hindi namin ininda ang pagod at hingal sa aming pagtatanghal.Natapos na ang lahat,ang tanging hinihintay na lamang ay ang pagsasabi ng mga nanalo.Bago pa sabihin ang nanalo,nakita na naming nakangiti ang guro namin sa matematika na para bang sinasabi sa amin na kami ang nanalo.Lahat ay sabik na sabik ng malaman ang king sino ang nanalo,buntong-hininga na lamang ang tangi kong naririnig at ang lahat ay nananalangin na sana kami ang manalo.At hindi nga kami nagkamali halos magtalunan ang lahat sa sobrang saya,ang iba nga ay umiyak pa dahil sa hindi makapaniwalang kami ang itinanghal na panalo.Hanggang sa pag-uwi ay buhat- uhat namin ang ngti sa aming mga mukha,dala ng pagkapanalo. 

          Pagkagising ko nitong linggo ay hindi pa rin naaalis sa aking isipan ang mga nangyari.Habang nakapikit ay binabalikan ko ang mga naganap kahapon.Pagdilat ko,tanghali na pala nang bumungad sa aking mukha ang orasan.Sana'y naman na ako na ganitong oras nagigising tuwing walang pasok.Ang aking umagahan ay pinagsama na sa aking tanghalian.At dahil wala namang takdang-aralin ngayon,natulog na lang akong muli pagkatapos manood.Dahil nitong nagdaang linggo kulang ang aking tulog dahil sa sunod-sunod na gawain par a kahit papano ay makabawi naman ako.Pagkagising ko ng kinagabihan,napagpasyahan kong magpaskil sa aking blog at ayusin na ang aking mga gamit para sa pagpasok bukas

Ang mga aral ng Noli me Tangere ng bumubuhay sa akin

 


Ang pag-aaral ng Noli me Tangere ay isa lamang sa pagpapakita ng respeto,ala-ala,at pagpapahalaga sa mga nagawa ng ating pambansang bayani.Sa pamamagitan ng akdang ito,namulat ang mga Pilipino sa mga problema at suliranin ng ating bayan.Pinag-uusapan dito ang mga suliranin sa bayan na hindi natutugunan ng mga Pilipino,sapagkat nabulag sila sa katotohanan.Sa pag-aaral ng Noli me Tangere ay marami tayong mapupulot na aral at mabubuting asal.Nakatulong din ang Noli me Tangere sa pag-aaral ng pagbabago sa ating bayan.Maaari itong maging batayan upang makita ang mga suliranin sa bayan at kung ano ang maaaring solusyon ditoMadami rin akong naunawan ukol sa ating bayan na ipinapaliwanag ng Noli Me Tangere. Totoo ngang makaiba ang bayan noon sa bayan ngayon ngunit dahil sa Noli Me Tangere ay natutununan ko na mayroon mga bagay na problema noon ay problema parin hanggang ngayon tulad ng diskriminasyon sa tao, korupsyon, pag-aalsa, mga hindi makatuwirang batas, mga umaayon sa makapangyarihan, mga lihim na gawain at iba pa. Sa lahat-lahat, ito ay isang nobelang hindi lang nakapagbibigay ng impormasyon kundi nagbibigay din ito ng tulong pang mabukas ang isipan natin na gumawa ng mga magagandang pagbabago sa ating bayan. Bilang mga mag-aaral ay nakakatulong ang pag-aaral ng Noli Me Tangere sa paghubog ng katayuan natin dito sa atin bayan. Makikita natin na magsisimula lamang ang pagbabago sa ating mga kabataan. Maganda ang nilalaman ng Noli Me Tangere na gustong ipahiwatig ang mga problema sa ating bansa. Gusto lamang nitong isaad na ang kanser ng lipunan ay kailangan nang mawala sa pamamagitan ng edukasyon. Edukasyon na bubuo sa pagkatao ng isang mamamayang Pilipino na makakagawa ng mga magagandang pagbabago dito sa bayan na kapag nagpatuloy ay maiaangat na ang kinabukasan nito at magiging kilala bilang maunlad na bayan at hindi bilang lupa ng problema.

IKAAPAT NA MARKAHAN ("Noli me Tangere")



Quote Generator



    Masisiyahan? o Malulungkot?Hindi ko alam kung ano sa dalawang emosyon na ito ang mamamayagpag sa aking damdamin ngayong "Ikaapat na Markahan" na.Masisiyahan ba dahil sa wakas ikaapat na markahan na ,at malapit na akong magtapos sa ika-siyam na baitan.O malulungkot dahil ikaapat na markhan na,at malapit na akong magtapos sa ika-siyam na baitang.Ang gulo diba?Pasensya na,iyan ang gustong ibulong sa akin ng aking isipan.Gayunpaman,wala na akong magagawa kundi tanggapin ang itinakda sa akin ng tadhana at alam ko namang may idudulot ding mabuti sa akin ito.



 • Maibigay ang punong kaisipan sa Kabanata 55 at 56
• Maiisaisa ang mga kanser ng lipunan sa bawat kabanata
• Masagutan an... 

   Ngayong ikaapat na markahan,ang pag-aaralin namin ay isa sa mga sikat na akda ni Rizal,ang Noli me Tangere.Bata pa lamang ako ay naririnig ko na ito sa mga mas nakatatanda sa akin,ngunit hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito.Ngayong markahan inaasahan kong hindi lamang ang ibig sabihin ng Noli me Tangere ang aking malalaman,hiling ko din na malaman kung para saan ba ito at bakit ba natin ito pinag-aaralan? at sinulat ng ating pambansang bayani.Gusto ko rin malaman ang iba pang importanteng detalye sa ating pambansang bayani.At malalaman ko lamang ito kung maipapaliwang at matatalakay sa amin ng aming guro sa Filiino.Kaya naman inaasahan ko din na maayos at malinaw na maitatalakay sa amin ito ng aming guro.Nang sa ganon ay maunawaan namin ang mga aral at tunay na layunin ng akdang ito.

Bilang Kabataan,Ang Pag-asang inaasahan ni Jose Rizal





Sino nga ba si Jose Rizal?Mahalaga ba na atin siyang pag-aralan?Anu-ano ang maitutulong niya sa ating kinabukasan? 

Ito ay iilan lamang sa mga katanungang bumabalot sa aking isipan na sa ngayon ay unti-unti ng nabibigyan kaliwanagan.

    Si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda na pang pito sa anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo, ay isa sa mga kapinta-pintagang bayani ng ating lahi. Sya ang naging susi sa kalayaang tinatama sa natin ngayon at nagmulat sa noo'y natutulog nating kaisipan.Bilang ating pambansang bayani,marapat lamang na malaman natin ang mga detalye tungkol sa kanya.Nakakalungkot isipin na karamihan sa mga ating kababayan ngayon, kapag tinanong mo kung sino si Rizal ay isa lamang ang alam nila,si Rizal ang ating pambansang bayani.Wala silang nalalaman tungkol sa kanyang mga nagawa at kung bakit niya nakamit ang ganoong pagkilala sa kanya. Si Jose Rizal ay isa sa mga pinaka-magandang ehemplo na bayani sa ating bayan. Na kaya natin pinag-aaralan, upang mga ginawa nya'y ating pahalagahan at tularan.Dahil sa kanyang mga sulatin,namulat ang mga Pilipino sa kamalayan.Nabuksan din ang ang kaisipan ng ating mga kababayan na lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. 
  
    Bilang isang kabatan,marami akong pwedeng magawa upang maisabuhay ang kanyang mga sinasabi sa kanyang mga akda.Una,mas bibigyan ko ng importansya ang ating lengguwahe.Papalagiin ko ang paggamit ng salitang Pilipino upang maipakita ko ang pagmamahal sa sarili nating wika.Ang isa ko pang pwedeng gawin ay ipagmalaki ang ating mga tradisyon at kultura nang sa ganon maipakita ko ang aking pagka-Pilipino.Mapapahalagahan ko ang kanyang mga naiambag sa bayan sa pamamagitan ng pagrerespeto sa kanyang mga nagawa.At sa aking pagrespeto,aking isasabuhay ang nga magagandang asal na aking mapupulot sa kanyang nga akda.Ang nagawa ni Rizal sa ating bayan ay habang buhay ng tatatak sa ating puso't isipan.

Linggo, Enero 10, 2016

SABADO'T LINGGO (Bahay Kalinga)




Noong Sabado ay nagagalak ako sapagkat unang beses akong makakapunta sa isang bahay-ampunan.Kaya naman pagkagising ko ay nagmadali na akong maligo at magbihis upang tumungo sa aming paaralan.Pagkadating ko sa paaralan ay nandoon na ang iba kong mga kaklase kasama ang mga piling estudyante ng pangkat Florida Blanca at mga opisyal ng SSG.Nang makumpleto na ang lahat,pumunta na kami sa bahay-kalinga na pinangunahan ng aming guro sa E.S.P na si Binibining Tayamora at ng Gurong Tagapayo ng SSG na si Ginoong Jelandny Sadie.Kasama din namin ang iba't-ibang sa guro sa iba't-ibang asignatura.Pagdating namin doon ay masaya kaming sinalubong ng mga taga-bahay-kalinga.Hindi pa man nag-uumpisa ang programa ay kita ko na ang mga ngiti sa kanilang mukha.Nagpakita sila sa amin ng kanilang mga tinatagong talento,at hindi namin maitatangging lubos kaming napahanga.Nang magkaroon ng kami ng pagkakataon ay nakausap namin sila,at doon namin nalaman kung sino talaga sila at bakit sila napunta doon.Iba-iba man ang istorya at kinahinatnan ng kanilang buhay ay masaya pa rin sila dahil may nag-aalaga at nagmamahal sa kanila.Lubos ang kanilang pasasalamat sa dalang regalo ng Paaralang Mambugan,ngunit sa totoo lang kami ang dapat na magpasalamat dahil sa iniwan nila sa aming saya na sinuman ay gugustuhing maranasan. 


     Ngayong Linggo naman ay napagpasyahan kong manatili at magbasa na lamang sa bahay.Bukas kasi ay ipapagpatuloy namin ang aming Ikatlong Markahang Pagsusulit sa huling apat na asignatura.Kaya naman halos buong maghapon akong nagbasa ng mga naisulat ko sa aking kuwaderno sa kagustuhan kong makapasa bukas.Pagdating naman ng gabi ay nagpaskil naman ako sa aking blog para Sabado't Linggo.Pagkatapos ay inihanda ko na ang aking mga gamit para sa pagpasok bukas.Nang matapos ko ito,dumiretso na ako sa aking higaan upang matulog.

Biyernes, Enero 1, 2016

NEW YEAR'S RESOLUTION

Kung tuwing Pasko mayroon tayong mga WishList,tuwing bagong taon naman mayroon tayong tinatawag na "New Year's Solution".Ang New Year's Resolution ay ang mga bagay na gusto nating mangyari o baguhin sa ating sarili sa nagdaang taon.Kadalasan dito nangangako ang mga tao na magbabago na sila.Para sa kamila,mas magiging maayos at maganda ang darating na bagong taon kaysa aa noon.Sabi nga sa isang kanta,"Bagong Taon at magbagong buhay",ibig sabihin nito ay bagong taon na kaya't baguhin na natin ang mga maling bagay na ginagawa natin noon.Ngunit hindi ibig sabihin nito na tuwing bagong taon lang tayo magbabago,hangga't may oras ay maaari tayong magbago.


 Ang New Year's Resolution ko ngayong bagong taon ay mas magiging responsable na ako sa lahat ng bagay.Nais ko rin na magkaroon ng pagbabago sa aking sarili.Kung noon ay marami man akong nagawang hindi tama,ngayon ay lilimitahan ko na lang ito.Ang mga New Year's Resolution kong ito ay aking gagawin upang maging maganda at maayos ang taong ito para sa akin.

BAGONG TAON

 

     Ang Bagong taon ang pinaka-engrandeng araw sa buong taon dahil darating na naman ang panibagong taon kung saan ipinagdiriwang sa iba't-ibang paraan.Maaaring kaunting salu-salo lamang,pag-aagaw ng barya,kantahan,panunuod ng fireworks,pagpapaputok,o ano mang ingay na pwedeng gawin.Dahil sa bagong taon rin, nagkakaroon ng tayo ng bagong karera at panibagong buhay. 


      Tulad noong Pasko,ipinagdiwang din namin ang Bagong Taon sa tahanan.Sabay-sabay kaming nag-ingay,nanuod,at kumain pagsapit ng alas dose ng hatinggabi.Isa na ito marahil sa masasayang karanasan ko sa pagdiwang ng Bagong Taon.