Linggo, Pebrero 14, 2016

SABADO'T LINGGO (Araw ng mga Puso)


    Malamig na hangin ang dumapo sa aking katawan.Umaga na ngunit pinagpatuloy kong mahiga.Pagkalipas ng ilang minuto,ako'y napabangon.Naalala kong kami nga pala sa sayaw ay may ensayo.Isa pa naman ako sa mga lider at hindi lang ang pangkat namin ang mag-eensayo,pati na rin ang tatlo pang pangkat na hawak ng aming guro.Ala Una ng hapon ang usapan ngunit mag aalas dos na nang ako'y makarating.Kaya't di ko inaasahan ang dami ng mag- eensayo.At sa dami ng mga iyon,wala pa ang isang pangkat.Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil sa di inaasahang pangyayari.Buti na lamang ay nagtuturo na ang iba pang lider kong kasama.Hindi rin naman kami nahirapan sa pagtuturo dahil halos kabisado na rin naman ng lahat.Ang kailangan na lamang siguro ay ang pag-eensayo ng sabay-sabay.Pagkatapos mag-ensayo nagkaroon ako at ang aking mga kagrupo sa asignaturang Ingles.Ang pagpupulong ay nauwi sa mahabang usapan,kung saan pinag-usapan namin ang maraming bagay-bagay.Nais na yatang magtago ng araw,kaya't napagpasiyahan naming umuwi na.

     Linggo't araw ng mga Puso.Pagkabukas ng aking Facebook bumungad kaagad sakin ang mga pagbati ng Maligayang araw ng mga Puso.Ang iba nga ay ginagawa pa itong katatawanan.Sinasabi nilang ngayon ay Araw ng Undas,marahil sila yung mga taong sawi sa Pag-ibig.Araw nga ng mga Puso ngunit hindi ko nalilimutan ang dapat kong gawin.Ang paggawa ko ng miniature sa T.L.E at ang pagpapaskil sa aking blog.Ngunit bago ko pa man itong gawin ay may ginawa muna akong kahanga-hanga.Tirik ang araw sa hapong iyon,pero hindi ako napigilang tumakbo.Mula sa aming bahay patungo sa Mambugan Paint Center.Pumunta ako doon para bumili ng pintura na kakailanganin namin bukas.Tagaktak ang pawis ko ng makapunta doon,ngunit sarado ang tindahan ng madadtan ko.Nagpakapagod ako para lang sa kanya,tinakbo ang kilome-kilometrong layo ngunit hindi ko na siya naabutan dahil wala na siya.Sa madaling sabi pinaasa niya lang ako.Kaya't umuwi na lamang ako at pinagpatuloy ang aking ginawa.Nang matapos na dito,ako'y nagpahinga na.

Linggo, Pebrero 7, 2016

SABADO'T LINGGO (Fun Run)






   Gabi na nang magising ako nitong Biyernes.Napasarap ata ang tulog ko kaninang tanghali pagkauwi galing paaralan.Kaya't nagpuyat na lamang ako at hinintay na pumatak ang oras ng alas tres ng madaling araw.Ngayong Sabado ay gaganapin ang Million Volunteer run 3 ng Red Cross,at isa ako sa mga kalahok doon.Alas kwatro na nang iniwan ko ang aming bahay upang tumungo na sa Brgy. Hall kung saan naghihintay ang iba pang kasama.Nang nakumpleto na ang lahat ay pumunta na kami sa Ynares Center,at doon nakita pa namin ang iba pang kalahok sa iba't-ibang lugar sa Antipolo.Bukang liwayway na nang mag-umpisa ang pagtakbo ng lahat.Hindi namin inisip kung gaano kalayo ang aming tatakbuhin,ang inisip namin matatapos namin iyon at makarating kung saan kami nagsimulang tumakbo.Takbo,lakad,pahinga,takbo,lakad,pahinga,paulit-ulit naming ginawa ito upang makarating lamang sa aming paroroonan.Gaya nga ng aking inaasahan,natapos namin iyon kahit pagod na pagod at hirap huminga.Taliwas ito sa una kong sali ng fun run.Mas malayo ang tinakbo namin dito at higit na masaya dahil mas marami ang kasama.Kahit pagod na pagod,nakuha pa rin naming ngumiti dahil natapos namin iyong lahat.Sa huli umuwi kami ng pagod at pawisan ngunit may ngiti at bagong karanasan kaming maiuuwi sa aming tahanan. 

     Malamig na umaga ang bumati sa akin kinabukasan.Maaga akong nagising na hindi ko naman inaasahan.Salamat dahil hindi gaanong sumakit ang aking katawan dala ng kahapong pagtakbo.Kumain at nanuod ng sandali lang at pumunta sa Covered Court upang maglaro ng basketball na ngayon ko lang ulit malalaro.Maggagabi na nang napagpasyahan kong umuwi na at magpaskil sa aking blog.Magiging mahimbing na naman ang aking tulog sapagkat walang pasok bukas.

Characters Parade (Noli Me Tangere)



     Nakaka enganyong gayahin ang mga iniidolo nating tao.Sa kanilang mga pananamit,pagkilos,pananalita,at sa iba pang mga bagay na kaya nilang gawin.Sa isinagawa naming Characters Parade,binigyan namin ng buhay ang mga tauhan sa Noli Me Tangere.Hindi biro ang aming ginawa,sapagkat may iba't-ibang klaseng pagganap ang mga tauhan sa nasabing nobela.Ako man ay nahirapan sa pagganap bilang Crisostomo Ibarra.Kinailangan kong gayahin ang kanyang pananalita,pagkilos,maging ang kanyang mga katangian.Sa aking pagpapakila bilang Crisostomo Ibarra,inilagay ko ang kanyang sitwasyon sa aking sarili.Inisip ko rin na kung siya ang nasa harapan at hindi ako,paano niya ipapakilala ang kanyang sarili? Sa aking palagay isinagawa namin ang Characters Parade na ito hindi lamang upang gayahin ang mga tauhan,upang malaman din ang kanilang mga dinanas,ganap,at pagkatao sa Noli Me Tangere.